Inaamin kong mali ako.

Inaamin ko na marami akong naging pagkukulang, dahil sa nahihiya ako, naiilang ako, o sadyang hindi ko lang alam na dapat pala ganoon ang dapat gawin. Pinakabata kasi ako, ang pagkakaintindi ko, mas marunong kayo sa kung paano ang mga bagay-bagay pagdating sa trabaho.

Inaamin ko namang mali ako dahil hindi ko nililinaw ang mga bagay. Inaasahan ko rin kasi na ikaw ang lalapit, dahil nga ibinigay sayo at dapat ay diskartehan mo kung paano mo siya magagawan ng paraan para matapos. Minsan na rin kasi akong nasabihan na dapat ako ang lalapit at hindi ako ang lalapitan, sa kadahilanan ngang ibinigay ito sa akin. Mali palang umasa ako. Dapat pala kumilos ako na tila ba wala akong tiwala sa inyo.

Inaamin ko namang mali din ang reaksyon kong patay malisya. Hindi ko kasi alam kung ano ang tamang desisyon na dapat sinusunod ko. Bigla na lang rin kasing isang araw ay tila ba sumabog ka na lang, hindi mo man lang ako sinabihan kung may mali ba ako o kung ano man iyon. Sana makita mo na hindi ang mga kaibigan mo ang makakapagbigay ng sagot. Hanggang suhestiyon lang sila. Ako lang makakapagbigay ng sagot na maaring magkaroon ng aksyon.

Inaamin ko ring tanga ako sa napakaraming bagay. Na ayaw niyo na sa akin dahil sawa na kayo sa karakter kong pa-inosente, tila walang alam, at pa-bata.

art and flowers image aesthetics, alternative, and art image

Sana naiintindihan niyo na isang taon pa lang akong nag-tra-trabaho. Hindi ko alam ang kultura, ni hindi ko alam kung paano umasta ng maayos. Madali akong magtiwala sa mga tao pero sa oras na nasira iyon, kailaman ay hindi na ako magtitiwala ulit sa inyo. Lagi nang may pader. Wala na kayong makukuha sa akin.
Sana naiintindihan niyo na mataas ang tingin ko sa inyong lahat. Malaki ang respeto ko sa inyo dahil sa mga mata ko, sanay na kayo sa ganitong sistema, magagaling na kayo, at tuturuan niyo ako kung paano umasta ng maayos, ano mga tamang gagawin, atbp. Mas matanda kayo sa akin kaya inasahan kong kayo ang gagabay sa akin. Mali rin pala ako sa aspetong iyon.

Sana naiintindihan niyong iyakin ako. Pagpasensyahan niyo na, emosyonal ako na tao. Inaayos ko ito, sana bigyan niyo ako ng oras para ayusin ko sarili ko. Naghahanap ako ng taong tutulong sa akin, dahil pakiramdam ko ay bigong-bigo ako.
Iyon din pala, nandito kasi ako ngayon sa punto ng buhay ko na gulong-gulo ako sa lahat ng bagay. Hindi niyo naman ata dapat malaman na wasak ang pagkatao ko ngayon - naliligaw ako, hindi ko alam ang mga dapat gawin, hindi ako naniniwala sa kinabukasan. Kaya ang dali kong maniwala sa kahit ano mang sabihin niyo. Kaya hindi ko malaman ang kaibahan ng biro sa hindi. Kaya parang bata pa rin ako kung umasta. Kaya inaasahan ko sana na maimpluwensyahan niyo ako para maihinto ang pagiging ganito ko.

Sana hindi niyo iyon nahalata. Sana rin ulit hindi ako umasa.

Kaya sana naiintindihan niyo na ang mga asta ko sa opisina ay hindi pakitang tao lang. Ganoon talaga ako. Pagkatao ko siya. Naliligaw kasi ako.

Sa mga sinabi kong ito, tila ba dinepensahan ko lang sarili ko, na para bang para masabi ng tao na "hindi, hindi ka mali." Sana paniwalaan niyo akong hindi iyon ang intensyon ko.

Inamin kong mali ako dahil gusto ko siyang ituring na aral sa buhay. Isa siyang pagsubok para sa akin. Gusto kong malaman kung ano ba ang dapat na ginagawa sa mga ganitong sitwasyon. Para hindi na siya maulit.
Para wala na akong pinag-aalalang kung sino man.
At para maging claro ang kung ano man ang malabo pala.
Nang sa ganun, baka magkaroon man lang ng katuting na ilaw dito sa madilim na lugar na ito.

[Cover Image not mine]